AFTER 27 yrs sa Showbiz industry, first time na nagbida ang award winning actress na si Ms. Sylvia Sanchez sa seryeng The Greatest Love kung saan ginampanan niya ang isang inang may sakit na Alzheimer’s na nagbigay sa kanya ng 3 Best Actress trophy.
Memorable para kay Sylvia ang GEMS awards (The Guild Of Educators, Mentors And Students) last March 1 dahil ito ang first acting award niya para sa TGL.
Nasundan ito sa 15th Gawad Tanglaw last March 28 at ang latest ay ang KBP Golden Dove awards na ayon nga sa kanyang post sa FB,
“Sa wakas, nahuli rin kita na ang tinutukoy niya ay ang Best Actress trophy from KBP).
Ano ang pakiramdam na naka-3 best actress trophy ka sa iisang serye lang?
“Sobrang saya ko. Nung una, pressure dahil first time na ako ang bida sa serye pero talagang ipinagmamalaki ko itong The Greatest Love, ang ganda ng istorya at magagaling ang mga artistang kasama ko at directors”, pahayag ni Ms. Sylvia.
Napawi umano ang pagod, hirap at sakripisyo ng lahat dahil sa mga natatanggap na awards at papuri mula sa mga viewers.
“Blessings talaga para sa akin ang The Greatest Love. Nakatatawa nga kasi kung kelan 46 na ako, saka naman dumating ang bida role ko, bilang si Nanay Gloria, so thankful talaga ako sa Kapamilya network, sa GMO productions at sa namayapang manager ko na si Cornelia Lee (Tita Angge)".
“Nung sinabi sa akin noon ni Ms. Ginny (business unit head) na yung role na ito is about Alzheimer’s, pinagsindi ko talaga ng kandila na sana mapunta ito sa akin. Minahal ko na agad dahil sa totoong buhay, isa rin akong ina”.
Dagdag pa ng aktres, “Iba ang naging impact sa akin ng TGL, ito ang nag-angat sa akin bilang artista. Marami na akong naging serye at pelikula pero ito ‘yung masasabi kong the best role na nagampanan ko dahil tumatak talaga sa viewers si Nanay Gloria kaya tawag nila sa akin ngayon, Nay Gloria kahit nagpaalam na sa ere ang TGL”.
Gumanap na anak ni Ms. Sylvia sa nasabing serye sina Dimples Romana (Amanda), Andi Eigenmann (Lizelle), Matt Evans (Andrei) at Arron Villaflor (Paeng). Apo naman nito si Z (Joshua Garcia). Gumanap naman na asawa nito si Rommel Padilla (Andres). Sa huli, nagpakasal ito sa ama ni Lizelle na si Nonie Buencamino (Peter). Sa direksyon nina Jeffrey Jeturian, Mervyn Brondial at Dado Lomibao.
NASA KWARTO ANG MGA TROPHY
Inamin ni Ms. Sylvia na lahat ng awards niya ay nakatago lang sa kwarto niya.
“Talagang malaki ang value sa akin ng mga awards na natanggap ko. 'Di ko siya nilalagay sa sala, nasa kwarto ko yun naka-display. Masaya ako na nakikita ko sa paghiga ko sa kama ang bunga ng pinaghirapan ko bilang artista. Nagre-remind ito sa sinabi ko sa nanay ko 40 years ago na magkaka-award din ako nung pumasok na ako sa Showbiz”.
PARAMIHAN NG AWARDS
Inamin ni Sylvia na minsan ay inaasar siya ng panganay na anak na si Arjo sa paramihan ng awards.
“Oo minsan, inaasar ako ni Arjo, tinatanong niya ako ng …ma, nakailang awards ka na? Sabi ko, 10, sabi niya, ako naka-5 taon palang sa Showbiz pero naka-7 awards na, ikaw 27 yrs na pero 10 palang”, natatawang kwento ng aktres.
“Kaya si Ria, sinasabi rin namin ito sa kanya.. na soon, siya naman ang magkaka-award sa acting niya like ‘diba merun na siyang isa as Best New Female actress in single performance for MMK”.
Sa halip na magdamdam, mas proud umano si Sylvia ‘pag may nagsasabing mas magaling umarte sa kanya ang anak na si Arjo.
“Ay Oo, mas natutuwa ako ‘pag sinasabi nilang mas magaling umarte sa akin ang anak ko (Arjo), ibig sabihin, nakawala na siya sa anino ko. Mas masasaktan ako kapag ang pagkilala pa rin sa kanya ay anak siya ng isang Sylvia Sanchez”, very humble na pahayag ng aktres.
'Pag nasa bahay po ba kayo at pinanonood nyo ang inyong sarili sa tv, tinatanong din ba nina Ria at Arjo kung okey ang acting na ginawa nila for the scene?
“Oo, tinatanong nila ako kung okey ba yung ginawa nila pero kasi ako, ‘di ako nakukuntento sa acting ko. ‘Pag pinanonood ko na ang sarili ko, sinasabi ko, ay sana ganito, ganun ang ginawa ko. Wala akong contentment. Parang I want more pa”, paliwanag ng aktres.
Katatapos lang ni Arjo gawin ang FPJs: Ang Probinsyano bilang si Joaquin at ang matinding kalaban ni Coco Martin sa serye.
Thankful si Arjo kay Coco dahil sa kanya ipinagkatiwala ang role kung saan dito rin siya nanalo ng awards.
Si Ria naman ay abala sa seryeng
Dear Heart kung saan ka-love triangle siya nina Zanjoe Marudo at Bela Padilla. Kasama rin siya sa pelikulang
Can We Still Be Friends? na pinagbibidahan nina Gerald Anderson at Arci Munoz.
CHOOZY NA SA MGA ROLE
Sa ngayon daw ay choozy na si Ms. Sylvia sa pagtanggap ng role. Choozy in a way na ayaw niya na pareho-pareho lang ‘yung role na gagampanan niya. Gusto raw ito na kahit nanay pa rin pero may kakaibang atake para mas challenging at ‘di pagsawaan ng viewers.
“Oo, ayaw ko ng paulit-ulit ‘yung pagiging nanay ko. Kung nanay man siya, dapat may twist. Gusto ko na kapag may project ako, iba-iba ang makikita nila para ‘di masabi ng mga tao na iisa lang ang acting ko”, paliwanag ng aktres.
PRESSURE SA NEXT PROJECT AFTER NG SUCCESS NG THE GREATEST LOVE
At dahil sa taas ng reyting ng TGL, aminado si Ms. Sylvia na malaking pressure sa kanya ang susunod niyang project dahil mahirap pantayan o lampasan ang success nito dahil for sure, mas mataas ang expectations sa kanya ng mga tao.
4 INDIE FILMS ANG NAPAKAWALAN
Naging hectic ang schedule ng teyping ng TGL kaya naman apat na Indie films ang pinakawalan ng aktres pero ngayong maluwag na raw ang oras niya, may time na siyang gawin ito.
“Oo, 4 Indie films ang in-offer sa akin pero ‘di kinaya ng oras ko, kasi 6 days ang teyping ko sa TGL. 'Yung iba naman, ‘di ko tinanggap kasi walang bago, gusto ko kasi malayo sana sa Gloria para maiba naman sa mga naunang na-portray ko na”.
TARGET ROLE
Target role umano nito for the next project ay rape victim o kaya killer, medyo suspense or horror, maging pipi, bingi o bulag.
“Sa mga rapist naman, ‘yung gusto kong gumanap ay gaya nina Joel Torre, Nonie Buencamino, Ping Medina, Bembol Roco. Magagaling kasi sila, 'di ako mahihirapang umarte. Madadala nila ako, mata palang nila”, ani Ms. Sylvia.
DREAM NA MAKATRABAHO
At sa dami na raw ng mga artista na nakasama niya, kasama na rito ang Superstar na si Nora Aunor sa Bituin, dream din niyang makaeksena sina Megastar Sharon Cuneta at Congw. Vilma Santos.
Katunayan, sa sobrang paghanga niya kay Sharon, talagang pinanood nito ang concert ng Megastar last year sa The Theater Solaire.
Mas lalo pa itong natuwa nang paakyatin siya sa stage ng mommy ni KC Concepcion.
FIRST TIME ENDORSEMENT AND BILLBOARDS
Pagdating naman sa endorsements, first time na may nag-alok sa aktres kaya masayang-masaya ito na siya ang napili ng may-ari ng Beutederm na si Ms. Rei Ramos Anicoche Tan.
“Kahit ako, ‘di ako makapaniwala na may kukuha pa pala sa akin na advertiser, na may magkakainteres sa akin at the age of 46, in-offer ako na maging Ambassadress ng isang beauty soap. Nung sinabi sa akin na gusto nila akong kunin, speechless ako. Thankful ako sa Diyos kasi buhos talaga ang blessings sa akin at sa pamilya ko”.
Mas lalo raw siyang sumaya nang sinabi sa kanya na ididispley ang mga billboards niya sa iba’t ibang lugar.
“Nung nilatag sa akin ni Ms. Rei na may billboards ako sa iba’t ibang lugar, sa kahabaan ng EDSA at sa iba pang probinsya, tuwang-tuwa ako. Unexpected. First time kasi na nangyari sa akin na may endorsement at billboards”.
Aminado si Ms. Sylvia na ‘di siya basta-basta nag-i-endorse ng isang bagay na ‘di niya pinaniniwalaan lalo na ‘pag beauty products dahil maski siya, never siyang naghihilamos ng sabon sa mukha dahil sensitive ang kanyang skin pero nung tinry daw niya ang papaya at orange na soap, buti nalang hiyang agad.
“Sa totoo lang, never akong nagsasabon sa mukha, so nung pina-try sa akin ang papaya at orange soap, aba, nagulat ako ‘di nagrereak ang skin ko, hiyang siya”.
Kaya raw nung um-okey sa kanya ang produkto, talagang niyakap at minahal na niya ang ineendorsong BeauteDerm.
At para mas maging effective na endorser, kinarir talaga ng aktres ang pagpapaseksi. Halos araw-araw ay naggi-gym at nagjo-jogging ito kasama ang panganay na anak na si Arjo at ilang mga pamangkin.
“Syempre, nakahihiya naman na makarinig ako ng pintas sa ibang tao. Sasabihin endorser ako ng ganito tapos makikita nila ang taba-taba ko, so, talagang binigyan ko ng oras ang paggi-gym at jogging every morning para mag-loss ng weight”.
WILLING TO BE FHM COVER GIRL?
Natatawa ito nang banggitin sa kanya kung willing pa rin ba siyang mag-pose sa FHM gaya ng mga hot mama’s na sina Sunshine Cruz, Dina Bonnevie, Jean Garcia etc.
“Diyos ko, willing ako, ‘pag na-aim ko na ang 19 na waistline. Ibigay na natin sa mga mas hot mama’s ang pagiging cover girl sa FHM”, aniya.
RETIREMENT FROM SHOWBIZ
Diniin ni Ms. Sylvia na wala siyang balak na mag-retired sa Showbiz. Talagang ito raw ang passion niya. Magbabawas lang daw siya ng project pero never ang mag-retired.
“Wala akong plano na mag-retired sa Showbiz. As long as may kumukuha sa akin at gusto nila ang serbisyo ko bilang artista, mananatili ako sa industry. Siguro magbabawas lang ako ng projects ‘pag talagang ‘di ko na kaya, pagtanda ko, pero hangga’t may swak pa rin sa akin na role at very challenging na kakaiba sa mga nagampanan ko na at kailangan nila ako, go pa rin ako”, ani Sylvia.
Dagdag pa nito, ayaw niyang matengga sa bahay dahil mabuburyong lang daw siya.
NA-FRUSTRATE NOON DAHIL WALANG PROJECT
Inamin din ng aktres na dumating sa point na medyo na-frustrate siya sa kanyang career dahil may times na umabot ng 8 buwan at 1 1/2 years na wala siyang project kaya nalungkot umano siya at na-insecure.
“Inaamin ko, dumating talaga sa point na na-frustrate ako sa career ko kasi una, 8 buwan wala akong project then nasundan ng 1 1/2 years na nahinto rin, so tanong ko sa sarili ko. ‘Di ba ako magaling. Pumunta ako sa parlor, then pinaputol ko ang buhok ko. Sakto naman tumawag si tita Angge (namayapang manager) sinabi niya na kasama ako sa Anak the movie at next week na ang shooting sa ibang bansa. So, nagalit ako sa kanya kasi bat ngayon lang niya sinabi e kung paso ang passport ko paano na? Sabi niya, ayaw niya raw sabihin kung ‘di pa sigurado. Then tumawag si direk Rory (Quintos), sinabi ko na nagpagupit ako e yung gupit ko, katulad ng kay ate Vi, nung sinabi niya na kailangan niya akong palitan nalungkot ako. Nakunsensya pa ako dahil pati si Tita Malu, nadamay pero thankful na rin dahil ang pumalit sa amin ay sina Amy Austria at Cherry Pie Picache, e magagaling din sila”.
At dahil tengga, naisip nalang nitong mag-aral ng Culinary kaso biglang dumating ang offer ng Eva Fonda na pinagbidahan ni Cristine Reyes kaya tumambling ang kanyang isip dahil nagsabay. ‘Di naman daw pwedeng i-refund ang tuition niya sa Culinary kaya ang ginawa nito, sakripisyo talaga na after ng teyping, takbo siya sa school at awa ng Diyos, nakayanan nito in 1 year.
“Ang ginawa ko, magteteyping ako ng 6am -3pm then takbo ako from Cavite papunta sa Pasig para mag-aral ng 5pm -10 tapos balik na naman sa teyping, so nakakapagod talaga pero nagawa ko rin in 1 year”, pagbabalik-tanaw nito.
Nagkaroon naman daw siya ng sariling resto kaso sa sobrang hectic ng isked sa teyping at ‘di niya matutukan, ginive-up nalang niya. Sa bahay nalang daw niya nai-a-apply ang natutunan niya sa Culinary. Enjoy daw siyang ipagluto ang kanyang pamilya.
SUNDAY IS FAMILY DAY
Pinaliwanag ni Ms. Sylvia na ‘di talaga siya tumatanggap ng trabaho ng Sunday. Inilalaan talaga niya ito para sa kanyang pamilya.
“Pag Sunday talaga, never akong tumatanggap ng trabaho. Oras ko yun sa pamilya ko.Yung Monday to Saturday, tutok ako sa trabaho ko. So, ‘pag Linggo, bumabawi ako sa kanila. Syempre, may asawa at mga anak ako na kailangan ko ring alagaan at asikasuhin".
Thankful si Ms. Sylvia sa pagkakaroon ng asawa gaya ni Sir Art dahil very supportive ito sa kanyang karir. Tanggal daw talaga ang pagod niya sa trabaho ‘pag kasama na niya ang mister (Art) at mga anak na sina Arjo, Ria, Gela lalo na ang bunso na si Xavi.
Lubos din itong nagpapasalamat sa kanyang buong pamilya, in laws, friends at sa kanyang mga fans na walang sawang sumusuporta sa kanya mula noon at hanggang ngayon na nakasuporta na rin sa career nina Ria at Arjo.
And of course, sa ABS-CBN, sa mga direktors na nagtitiwala sa kanyang kakayahan bilang artista and above all, kay GOD sa lahat ng blessings na binibigay sa kanya at sa kanyang pamilya.
No comments:
Post a Comment